Wednesday, February 14, 2007

LIHAM UKOL SA AMING BAYANI

Ginoong Jose Rizal,

Kamusta na po kayo? Alam ko po matagal na panahon niyo na rin po kaming sinusubaybayan. Hindi po ba kayo nababagot? Mahigit isang daang taon na rin kayong nakamasid sa amin. Ginoo, ang taas po ng inaasahan niyo sa aming mga kabataan. Hindi ko nga po alam kung natutuwa kayo sa mga nagawa at ginagawa namin. Sana po naisasakatuparan namin ang mga adhikain niyo ukol sa bayan.

Ginoo, mahigit isang buwan na lang at magtatapos na kami sa aming pag-aaral. Haharap na po kami sa mas malaking hamon ng buhay, sa mas malalayong paglalakbay at mas matitinding pagsubok. Marahil karaniwan lang na kami ay kabahan, ngunit hindi dapat kami matakot. Ang aming mga napag-aralan sa loob at labas ng paaralan ang magsisilbi naming sandata, baluti, at kalasag sa pagharap sa mas malaking bukas. Natapos man po ang aming pag-aaral ngunit hindi ang aming pagkatuto. Patuloy pa rin kaming maghahanap ng karunungan upang aming gamitin sa paglilingkod sa bayan.

Matapos po kayong bawiin ng Maykapal ginoo, marami na pong nangyari at nagbago sa Pilipinas. Maraming pangulo na rin ang namuno sa amin. Nagpapalit-palit na rin ang ating mga mambabatas. Ilang ulit na ring nabago ang ating saligang batas. Lumawak na ng husto ang agham at aghimuan. Dumami ang matatayog na gusali. Humaba ang mga daanan kasabay rin ng paglawak ng kalakalan at pakikipag-ugnayan sa mga banyagang bayan. Higit ding dumami ang bilang ng ating lahi. Kasabay ng mga pagbabagong ito ginoo, ay ang pagkasira ng ating kalikasan, paglimot sa sining at kalinangan, pagbalewala sa wika at pagkawala ng kalayaan at kabihasnan.

Ngunit ginoo, pagkatapos ng ilang daang taon at mga buhay na nawala at umusbong, ito pa rin ang Pilipinas. Isang Pilipinas na sa aking pananaw ay hindi ang inyong inaasahan. Marami pa rin ang naghihirap at nagugutom. Nananatili ang mga mangmang. May mga nawawalan ng pananampalataya at paniniwala. Ngunit ang pinakanakalulungkot ginoo ay ang paglaho ng pagka-Pilipino ng ating mga kababayan. Ang mga kabalakyutan at kabulukang ito ang nais kong baghuhin.

Ginoo, aming bayani, ayaw ka naming biguin. Tunay na mahirap maging alagad ng pagbabago sa isang bingi at bulag na lipunan, ngunit gagawin ko ang lahat upang makatulong. Patuloy kong pauunlarin ang pagyakap sa ating kalinangan at paglikha ng pagbabago sa gitna ng makabagong panahon. Alam kong patuloy niyo kaming pagmamasdan, mula sa aming pagtatapos hanggang sa aming paglipad sa nalalapit na hinaharap. Huwag po kayong mag-alala ginoo, nananatiling buhay ang pag-asa ng bayan, at hanggang sa aming katandaan at pagsasalamisim sa nakaraan, hindi kabalintunaan ang aming maaalala, kundi ang panahong naabot namin ang himpapawid habang dinarama ang init na nagmumula sa himaymay ng sinag ng araw.
Gumagalang,
Jerwin N. Rufino at kabataan, A+

2 comments:

raven sage said...

Is there any possible way that i can contact the writer of this letter Mr. Jerwin N. Rufino. I'm not sure but maybe he is your student and this letter is a requirement for your class. If there is a way i can contact him can you please email me or message me through this.

jerjer said...

Hello, there CJ. This is Jerwin. This is more than three years late. I just stumbled upon your message when I decided to read this letter again. You probably don't need me anymore, but I wonder why you wanted to contact me.